Home » Tags
My Fourth Persons in a Quarterlife
November 14, 2008I am now trying to catch up.
November 14 (Friday)– My Fourth Persons: Papa Taba and Mama Oma
Parte kayo ng aking kabataan.
Hindi ko malilimutan ang mga panahon noong ipinapupunta ninyo kami sa inyong bahay para ipasyal kami at pakainin sa Jollibee. Hindi ko makakalimutan na kayo ang kasama ko nang una akong matuto mag-bike sa PICC. Kayo din po ang kasama ko nang una akong matuto tumakbo kasabay ng maraming tao sa Folk Arts Theater. Hindi ko makakalimutan ang mga Linggo na isinasama ninyo kaming magkakapatid sa mga lugar na inyong pinupuntahan na hindi pa rin namin nararating noon–Zoo, circus, Enchanted Kingdom at kung saan-saan pa.
Pinili ninyong makapag-ambag sa kung ano kami ngayon. Hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapalaki ninyo sa aking ina subalit ang paghubog din sa kung ano kami, at ako, ngayon. Hindi lamang ang aking ina ang inyong inaruga, ipinadaloy pa ninyo sa aming magkakapatid ang pagmamahal na ito. Apaw ang pasasalamat ko sa inyo.Hindi dito natapos ang pakikibahagi ninyo sa aking buhay, hanggang sa aking pagtanda, tiniyak ninyong kasama ko kayo. Sa bawat aral, sadya man ninyong itinuturo sa akin o hindi, sa bawat pag-aalaga at pag-aalala, sa pagiging bukas sa aking mga munting pangangailangan, kasama na rin po diyan ang mga pangungulit… Maraming marami pong salamat. Sa lahat ng mga iyon, presensiya ninyo at pagmamahal ang kalakip na siyang aking ipagkakatangi.
Hindi man po naging perpekto ang inyong naging buhay, marami man pong mga pagsubok sa inyong pamilya, tiniyak naman po ninyong kayo ay magiging mabubuting lolo at lola sa aming inyong mga apo. At dahil po rito, mahal na mahal po namin kayo! I love you po, Papa and Mama!
My Third Persons in a Quarterlife
November 13, 2008It is difficult to keep track of this plan especially when caught up with a lot of work and school matters. But I shall continue with this. A tribute to the persons who happened and stayed during this quarterlife.
November 13 (Thursday)- My third persons: Tatay Nano and Nanay Gor
An sabi ng marami, lahat daw ng magaganda at mabubuting bagay ay may pinagmumulan na siyang kasing buti. Lubos akong naniniwala rito sapagka’t tunay nga namang kayo ang mabubuting puno ng aking ama. Lubos po ang aking pasasalamat sa inyo sa pamamaraan ng pagpapalaki ninyo sa kanya na siya namang gumagabay din sa amin. Kung hindi rin lamang po sa inyong tiyaga, pag-aalaga at pagmamahal, ay hindi rin naman po naman matatamasa ang mga iyon. Ang lahat po ng inyong ibinigay ay dumaloy hanggang sa amin.
Kasama po kayo sa aking mga pangarap. Sa bawat daan na aking tinatahak, kasama ko po kayo, sa puso at sa isip ko.. Maraming marami pong salamat. Naaalala ko pa ang tiyaga na inyong ibinigay noong bata pa ako, sa tuwing magbabakasyon kami ng aking kapatid sa inyong bahay. Talaga naman pong alaala iyon na hindi po namin makakalimutan. Ang bawat bigay, ang bawat pag-aalala at ang simpleng pagtabi ninyo sa amin sa pagtulog, mga bagay na nagpasaya sa aming kabataan na aming lubos na ipagkakatangi at ipagpapasalamat sa Diyos. Ang puso ko’y lubos ang kasiyahan na kayo po ang aking naging lolo at lola. Para po sa marami pang taon. Isa pa pong sangkapat na taon para sa akin kapiling kayo at sa aking puso.




