Home » Post Item » My Fourth Persons in a Quarterlife
My Fourth Persons in a Quarterlife
November 14, 2008I am now trying to catch up.
November 14 (Friday)– My Fourth Persons: Papa Taba and Mama Oma
Parte kayo ng aking kabataan.
Hindi ko malilimutan ang mga panahon noong ipinapupunta ninyo kami sa inyong bahay para ipasyal kami at pakainin sa Jollibee. Hindi ko makakalimutan na kayo ang kasama ko nang una akong matuto mag-bike sa PICC. Kayo din po ang kasama ko nang una akong matuto tumakbo kasabay ng maraming tao sa Folk Arts Theater. Hindi ko makakalimutan ang mga Linggo na isinasama ninyo kaming magkakapatid sa mga lugar na inyong pinupuntahan na hindi pa rin namin nararating noon–Zoo, circus, Enchanted Kingdom at kung saan-saan pa.
Pinili ninyong makapag-ambag sa kung ano kami ngayon. Hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapalaki ninyo sa aking ina subalit ang paghubog din sa kung ano kami, at ako, ngayon. Hindi lamang ang aking ina ang inyong inaruga, ipinadaloy pa ninyo sa aming magkakapatid ang pagmamahal na ito. Apaw ang pasasalamat ko sa inyo.Hindi dito natapos ang pakikibahagi ninyo sa aking buhay, hanggang sa aking pagtanda, tiniyak ninyong kasama ko kayo. Sa bawat aral, sadya man ninyong itinuturo sa akin o hindi, sa bawat pag-aalaga at pag-aalala, sa pagiging bukas sa aking mga munting pangangailangan, kasama na rin po diyan ang mga pangungulit… Maraming marami pong salamat. Sa lahat ng mga iyon, presensiya ninyo at pagmamahal ang kalakip na siyang aking ipagkakatangi.
Hindi man po naging perpekto ang inyong naging buhay, marami man pong mga pagsubok sa inyong pamilya, tiniyak naman po ninyong kayo ay magiging mabubuting lolo at lola sa aming inyong mga apo. At dahil po rito, mahal na mahal po namin kayo! I love you po, Papa and Mama!




